NATAPOS noong Linggo ang Rio Olympics. Isang silver medal lamang ang naiuwi ng Pilipinas nang masungkit ito ni Hidilyn Diaz sa weightlifting competition. Kung hindi dahil kay Hidilyn, baka umuwing luhaan ang mga Pinoy participants. Sa loob nang maraming taon na pakikipagkumpetensiya ng Pilipinas, hindi pa nakakasungkit ng gold. Tinalo pa ng mga kapitbahay na bansa sa Asia na mayroong nasungkit na gintong medalya. Huling nakakuha ng silver ang Pilipinas noong 1996 sa Atlanta Olympics sa larangan ng boksing.
Ang susunod na Olympics ay sa 2020 gagawin sa Tokyo, Japan. Ipinakita ng Japan sa closing ceremony sa Rio ang kanilang paghahanda para sa 2020 Olympic Games. Sa pasilip pa lamang, halatang maghahanda nang husto ang Japan. Nakakuha ang Japan ng 12 gold, 8 silver at 21 bronze sa katatapos na Rio Olympics. Namayani naman sa dami ng nakuhang gold ang United States na may kabuuang 46, sinundan ng Great Britain, 27 at pangatlo ang China, 26.
Ang pagkapanalo ni Hidilyn sa larangan ng weightlifting ay dapat makapagbukas ng isipan sa mga namumuno sa bansa lalo ang mga nasa sports commission. Nakita na isa ang weightlifting sa sports na dapat pagbuhusan ng pansin sapagkat magbibigay ng medalya sa Pilipinas. Bukod sa weightlifting, ang gymnastics, boxing at fencing ay mga sports na may malaking pag-asa para makatighaw sa pagkauhaw sa medalya.
Sana, magbuhos naman ng pondo ang mga mayayamang kompanya sa bansa para sa pagsasanay ng mga atleta. Maraming kabataan ang magiging mahusay na atleta kung tutulungan lamang. Kung napondohan si Hidilyn Diaz sa kanyang pagsasanay, baka gold ang nasungkit niya at hindi silver.
Sana makapaghanda na ang Pilipinas sa Tokyo Games.
Source : http://www.philstar.com/psn-opinyon/2016/08/24/1616588/editoryal-bumawi-sa-2020-tokyo-games